--Ads--

Isang 44-anyos na lalaki ang matagumpay na nasagip mula sa ilalim ng makapal na debris walong araw matapos ang magkakasunod na malalakas na lindol na tumama sa Venezuela, sa isang operasyon na inilarawan ng mga rescuer bilang isang “himala.”

Kinilala ang nasagip na si Hernán Alberto Gil Flores, na naipit sa ilalim ng humigit-kumulang siyam na metrong guho mula sa bumagsak na parking area ng isang shopping mall sa lungsod ng La Guaira.

Ayon sa Chile Fire Department, na kabilang sa mga tumulong sa operasyon, nasa mabuti nang kalagayan si Flores matapos siyang mailabas mula sa guho noong Huwebes. Agad siyang dinala sa isang pagamutan para sa karagdagang pagsusuri at gamutan.

Tumagal ng halos 70 oras ang maselang rescue operation na isinagawa ng mga lokal at internasyonal na rescue team dahil sa hindi matatag na kondisyon ng gusali at patuloy na pagbagsak ng mga debris.

--Ads--

Sa ngayon nagpapatuloy ang search and rescue operations sa La Guaira, isa sa mga lugar na pinakamatinding naapektuhan ng dalawang malalakas na lindol.

Ayon sa pinakahuling ulat ng mga awtoridad, umabot na sa hindi bababa sa 2,295 katao ang nasawi sa sakuna, bagama’t pinaniniwalaang mas mataas pa ang tunay na bilang ng mga biktima habang nagpapatuloy ang paghahanap sa mga nawawala.