--Ads--

Dalawa ang nasawi matapos bahagyang gumuho ang isang pitong-palapag na gusali sa Maltepe district sa Istanbul, Turkiye.

Ayon sa mga awtoridad, gumuho ang tatlong pinakamababang palapag ng gusali, kabilang ang isang tindahan sa ground floor. Walong katao naman ang nailigtas ng rescue teams mula sa mga guho.

Narekober na rin ng mga awtoridad ang dalawang bangkay habang patuloy ang paghahanap sa dalawang taong pinaniniwalaang nakulong sa loob ng gumuhong gusali.

Samantala, ligtas na nailikas ang mga residente mula sa mga natitirang palapag. Ilang kalapit na gusali rin ang inilikas dahil sa panganib na tuluyang gumuho ang istruktura.

--Ads--

Hindi pa tukoy ang sanhi ng pagguho at nagpapatuloy ang imbestigasyon. Patuloy din ang search and rescue operations sa lugar.