Arestado ang isang hinihinalang Top 10 Regional Most Wanted Person na nahaharap sa kasong estafa na may kaugnayan sa Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 sa isinagawang operasyon ng mga awtoridad bandang alas-8:00 ng umaga noong Hulyo 3 sa ITC Fourlanes sa Barangay Malvar, Santiago City.
Kinilala ng pulisya ang suspek sa alyas na “Lai,” 29-anyos, walang asawa, walang trabaho, at residente ng Barangay Masaya Sur, San Agustin, Isabela.
Nadakip ang suspek sa pamamagitan ng pinagsanib na operasyon ng Police Station 3 ng Santiago City Police Office at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Santiago City Field Unit.
Ayon sa pulisya, naaresto siya sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 23 sa Candon City, Ilocos Sur noong Hunyo 10, 2026. May itinakdang piyansa ang hukuman na nagkakahalaga ng ₱18,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.
Matapos ang pag-aresto, ipinaalam ng mga operatiba sa suspek ang dahilan ng kanyang pagkakadakip at ang kanyang mga karapatan alinsunod sa umiiral na batas.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG Santiago City Field Unit ang suspek habang isinasagawa ang kaukulang dokumentasyon at iba pang legal na proseso bago siya iharap sa korte.











