Arestado ang isang 38-anyos na lalaki matapos umanong manlaban sa mga awtoridad at magtangkang bumunot ng baril nang sitahin ng mga opisyal ng barangay kaugnay ng pagpapabagsak ng mga road sign sa Barangay 4, San Mateo, Isabela noong Nobyembre 2, 2026.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Mikoy,” 38-anyos, may-asawa at residente ng Barangay Dagupan, San Mateo.
Batay sa ulat, napansin ng isang barangay councilor at barangay tanod ang ilang road sign na pinabagsak sa lugar. Nang sitahin ang suspek na umano’y nakitang nagpapabagsak ng isa pang road sign, naging agresibo ito at tumangging sumunod sa mga opisyal ng barangay.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng San Mateo Municipal Police Station, katuwang ang PIU/DEU-IPPO. Sa kabila ng paulit-ulit na pagpapaalala ng mga pulis na kumalma at sumunod sa kanilang mga tagubilin, patuloy umano ang paglaban ng suspek.
Sa gitna ng police intervention, napansin ng mga operatiba ang hawakan ng baril na nakausli sa baywang ng lalaki. Nang pagbawalang abutin ang armas, nagtangka umano itong bumunot ng baril kaya agad siyang napigilan at nadisarmahan.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang caliber .38 revolver na walang serial number at may dalawang bala, gayundin ang isang itim na Honda TMX 125 motorcycle na walang plaka.
Narekober din sa kanyang bulsa ang isang coin purse na naglalaman ng isang heat-sealed plastic sachet na may puting mala-kristal na substansiyang hinihinalang shabu.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong resistance and disobedience to a person in authority, paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at paglabag sa Section 11, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











