Arestado ng pinagsanib na puwersa ng pulisya sa Cainta, Rizal ang Provincial No. 1 Most Wanted Person ng Isabela na umano’y sangkot sa pagpatay sa dating Miss Philippines Earth 2013 3rd Runner-Up na si Lullete Jane Ramilo-Dela Cruz.
Kinilala ang suspek na si alyas “Kenneth,” 30-anyos, na naaresto sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong murder na walang inirekomendang piyansa, sa Barangay San Isidro, Cainta, nitong Nobyembre 23, 2026.
Pinangunahan ng Provincial Intelligence Unit ng Isabela Police Provincial Office ang operasyon katuwang ang iba pang yunit ng Philippine National Police.
Kaugnay ang kaso sa pagbaril at pagpatay sa dating beauty queen sa harap ng kanyang tahanan sa Barangay Cabaritan, San Manuel, Isabela noong Pebrero 13, 2026. Dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang iniulat na sangkot sa krimen.
Sa ngayon, nasa kustodiya ng San Manuel Police Station ang naarestong suspek habang hinihintay ang kanyang paglilipat sa korteng naglabas ng warrant of arrest.











