Kinumpirma ni Senate President Sherwin Gatchalian nitong Lunes na siya ang mamumuno sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte alinsunod sa mga tuntunin ng Senado.
Ang pahayag ni Gatchalian ay ginawa matapos ang flag-raising ceremony sa Senado, ilang oras bago ang nakatakdang pormal na pagbubukas ng impeachment trial alas-2 ng hapon. Ayon sa kanya, nakahanda na ang Senado para sa pagsisimula ng paglilitis.
Hinimok din niya ang lahat ng senator-judges na dumalo sa mga pagdinig sa gitna ng mga ulat tungkol sa umano’y planong pagboykot ng ilang miyembro ng Senado. Binigyang-diin niya na bahagi ng kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon ang pagsasagawa ng impeachment trial at mahalagang maisakatuparan ito upang makapagtuon muli ang Senado sa iba pang mahahalagang gawain.
Kabilang sa mga prayoridad na tinukoy ni Gatchalian ang mga panukalang batas, mga imbestigasyon, at ang pagtalakay sa pambansang badyet, lalo na sa harap ng pagbagal ng ekonomiya ng bansa.
Samantala, wala pang kumpirmasyon mula sa kampo ni Vice President Duterte kung personal siyang haharap sa impeachment court alinsunod sa notice na inilabas noong Hulyo 2.










