Tututulan na ng House prosecution ang anumang dagdag na pagkaantala sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang maabot ang target na paglalabas ng hatol sa Disyembre 18.
Ayon kay House prosecution spokesperson Atty. Benjamin “Jay” Tolosa Jr., may nakikita na silang pattern ng pagkaantala matapos makansela ang mga pagdinig noong Nobyembre 26 at 27.
Binatikos din ni Manila Representative Joel Chua ang umano’y pagiging maluwag ng Senate Impeachment Court sa depensa at hiniling na huwag hayaang maubos ang 30 araw na inilaan para sa natitirang kaso ng unexplained wealth.
Matatandaang natapos na ng prosekusyon noong Oktubre 21 ang presentasyon ng ebidensya kaugnay ng umano’y P817.87 milyong hindi maipaliwanag na yaman nina Duterte at ng kaniyang asawang si Atty. Manases Carpio.











