Nagtungo sa Senado si Sara Duterte ngayong Martes ngunit hindi ito dadalo sa nagpapatuloy na impeachment hearing laban sa kanya.
Sa panayam ng media, sinabi ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team ng Bise Presidente, na nagtungo lamang si Duterte sa Senado upang makipagpulong sa kanyang mga abogado at talakayin ang mga susunod na hakbang ng kanyang kampo kaugnay ng impeachment proceedings.
Ayon kay Poa, mayroon ding iba pang mahahalagang lakad ang Bise Presidente kaya’t hindi na siya makikilahok sa pagdinig ng impeachment court sa araw na ito.
Nagbigay naman ng maikling pahayag si Duterte sa mga mamamahayag kung saan sinabi niyang bagama’t masakit at mabigat ang mga pinagdaraanan niya sa kasalukuyan, hindi siya susuko sa gitna ng mga hamon.
Matatandaang pormal na sinimulan noong Lunes ng Senado ang impeachment trial laban kay Duterte kung saan inilatag ng magkabilang panig ang kanilang mga pambungad na argumento kaugnay ng mga reklamong inihain laban sa kanya.
Patuloy namang nakatutok ang publiko sa mga susunod na pagdinig habang inaasahang ihaharap ng prosekusyon at depensa ang kani-kanilang mga testigo at ebidensya sa mga darating na araw.









