Nagtala ng katamtamang pagsabog ang Kanlaon Volcano sa Negros Island nitong Huwebes ng umaga, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Tumagal ng tatlong minuto ang pagputok mula alas-7:33 hanggang alas-7:36 ng umaga at nagbuga ng maitim na abong umabot sa 2 hanggang 3 kilometro ang taas bago inanod pa-silangan. Naitala rin ang pagdaloy ng pyroclastic density currents sa timog-silangang bahagi ng bulkan.
Dahil sa pagsabog, nakaranas ng ashfall ang Toledo City at mga bayan ng Aloguinsan at Pinamungajan, gayundin sa iba pang bahagi ng Cebu.
Bunsod nito, nagsuspinde ng klase ang ilang lokal na pamahalaan kabilang ang Cebu City, Mandaue City, Toledo City at Minglanilla.
Inatasan naman ni Pamela Baricuatro ang mga disaster at health officials ng lalawigan na bantayan ang sitwasyon at tiyaking handa ang mga ospital sa anumang emerhensiya.
Nanatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Kanlaon Volcano, na nangangahulugang may katamtamang antas ng pag-aalboroto ang bulkan. Mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-kilometrong Permanent Danger Zone.











