Mariing kinondena ni House Prosecutor at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon ang umano’y pagbabanta sa kanya ni Lebak, Sultan Kudarat Sangguniang Bayan member Robert “Tonton” Celestial at iginiit na hindi niya ito palalampasin.
Ayon kay Ridon, nakatanggap siya ng mensaheng naglalaman ng pagbabanta mula kay Celestial.
Dahil dito, sinabi ni Ridon na hihiling siya sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na imbestigahan ang naturang online na pagbabanta upang matukoy kung may paglabag sa Cybercrime Prevention Act at makapagsampa ng kaukulang kasong kriminal.
Bukod dito, plano rin niyang ipasuri sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang naging aksyon ni Celestial upang maberipika kung may administratibong pananagutan ito at kung nararapat itong isailalim sa preventive suspension.
Iginiit ni Ridon na hindi dapat pinahihintulutan ang anumang uri ng pananakot o misconduct mula sa mga opisyal ng lokal na pamahalaan laban sa kanilang kapwa opisyal o sa publiko.











