--Ads--

Hinimok ng City Agriculture Office ng Cauayan City ang mga magsasakang maaaring maapektuhan ng matinding tagtuyot dulot ng inaasahang El Niño na agad makipag-ugnayan sa kanilang barangay at sa City Agriculture Office upang maisama sa listahan ng mga posibleng mabigyan ng ayuda ng pamahalaan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculturist ng Cauayan City, sinabi nitong patuloy ang kanilang pangangalap at beripikasyon ng datos ng mga vulnerable farmers na posibleng maapektuhan ng El Niño. Sa kasalukuyan ay nasa 6,199 na ang naitalang mga magsasaka, ngunit inaasahan pa itong madaragdagan habang nagpapatuloy ang validation.

Ayon kay Engr. Alonzo, nakikipag-ugnayan na sila sa Office of the Provincial Agriculturist at iba pang ahensya upang maihanda ang mga kinakailangang interbensyon para sa mga magsasakang maaapektuhan ng matinding init at kakulangan sa suplay ng tubig.

Aniya, kabilang sa maaaring ipagkaloob ng Department of Agriculture ang mga binhi, vegetable seedlings at iba pang agricultural inputs upang makatulong sa muling pagbangon ng produksyon ng mga magsasaka.

--Ads--

Samantala, hinikayat ni Engr. Alonzo ang mga magsasakang inaasahang maaapektuhan ng El Niño na agad magpalista sa kanilang barangay officials o sa City Agriculture Office upang maisama sa susunod na isusumiteng ulat at maging kwalipikado sa mga assistance program ng pamahalaan.