--Ads--

Bumuo ng El Niño Task Force ang lokal na pamahalaan ng Santiago City bilang maagang paghahanda sa posibleng epekto ng inaasahang Super El Niño, partikular sa agrikultura, suplay ng tubig at seguridad sa pagkain.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Julius Agustin, LDRRMO Officer ng lokal na pamahalaan ng Santiago City, sinabi nitong mismong ang punong lungsod ang nagpasimula sa pagbuo ng task force upang masubaybayan ang mga posibleng epekto ng matinding tagtuyot at matiyak ang kahandaan ng lungsod.

Kabilang sa mga bumubuo sa grupo ang mga kinatawan mula sa Department of Agriculture (DA), DPOS, City Health Office (CHO), Santiago City Water District at iba pang tanggapan ng lokal na pamahalaan.

Ayon kay Agustin, layunin ng task force na palakasin ang monitoring at tiyaking magkakaugnay ang mga hakbang ng bawat ahensya upang mabawasan ang magiging epekto ng El Niño sa mga mamamayan.

--Ads--

Partikular na tututukan ang posibleng epekto ng matagal na kawalan ng ulan sa mga pananim, suplay ng tubig at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga residente.

Binigyang-diin ni Agustin na hindi na hinintay ng lokal na pamahalaan na maranasan ang matinding epekto ng El Niño bago kumilos, dahil prayoridad na umano ng punong lungsod ang food security o seguridad sa pagkain simula pa lamang ng ikalawang quarter ng kasalukuyang taon.

Sa pamamagitan ng maagang paghahanda, nais ng pamahalaang lungsod na mapangalagaan ang produksyon ng mga magsasaka at matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sakaling maapektuhan ng tagtuyot ang sektor ng agrikultura.

Mahalaga rin ang partisipasyon ng Santiago City Water District upang matutukan ang posibleng epekto ng matinding init at kawalan ng ulan sa suplay ng tubig na ginagamit ng mga residente.

Inaasahang magsisilbi namang mekanismo ang task force sa pagpapalitan ng impormasyon, pagtukoy sa mga posibleng panganib at pagbuo ng mga kaukulang hakbang batay sa magiging epekto ng El Niño sa bawat sektor.

Sa pamamagitan ng koordinasyon ng mga kinauukulang tanggapan, target ng lokal na pamahalaan na mabawasan ang posibleng pinsala sa kabuhayan, agrikultura at pang-araw-araw na pamumuhay ng mga residente.

Patuloy namang paiigtingin ng lokal na pamahalaan ang paghahanda at pagbabantay upang matiyak ang maagap na pagtugon sakaling maranasan ng lungsod ang matinding epekto ng inaasahang Super El Niño.