Nagbitiw na sa puwesto si Department of Health (DOH) Secretary Teodoro “Ted” Herbosa dahil sa mga kadahilanang may kaugnayan sa kalusugan, ayon sa Malacañang. Pinalitan siya ni Dr. Jose Brittanio S. Pujalte Jr. bilang bagong kalihim ng kagawaran.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, tinanggap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbibitiw ni Herbosa at agad na itinalaga si Pujalte bilang bagong pinuno ng DOH.
Bago ang kanyang pagbibitiw, iniulat na sumailalim si Herbosa sa knee replacement surgery at nakasick leave mula Hulyo 6 hanggang 17. Sa panahong iyon, itinalaga si DOH Undersecretary Albert Domingo bilang officer-in-charge ng ahensya.
Si Pujalte ay isang orthopedic surgeon na may mahigit tatlong dekadang karanasan sa larangan ng medisina at matagal nang naglingkod sa iba’t ibang posisyon sa DOH. Kabilang din siya sa mga nagtatag ng Philippine Spine Society at Philippine Shoulder Society.





