--Ads--

Naaresto ang isang lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay Nueva Era, San Manuel, Isabela, kaninang alas-12:05 ng madaling-araw, Oktubre 21, 2026.

Pinangunahan ng Municipal Drug Enforcement Unit ng San Manuel Police Station ang operasyon, katuwang ang Provincial Intelligence Unit-Drug Enforcement Unit ng Isabela Police Provincial Office at sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency Region 2.

Ayon sa ulat, naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu sa isang pulis na umaktong poseur buyer.

Tinatayang 0.13 grams ang timbang ng nakumpiskang hinihinalang droga na nagkakahalaga ng ₱884 batay sa Standard Drug Price. Nakumpiska rin ang ₱1,500 na buy-bust money, na binubuo ng isang tunay na ₱500 bill at dalawang piraso ng boodle money.

--Ads--

Matapos ang imbentaryo, dinala ang suspek at mga ebidensiya sa San Manuel Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.

Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.