--Ads--

Isinusulong ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Cauayan ang pagpapatupad ng College Education Behind Bars Program bilang bahagi ng pagpapalakas ng rehabilitasyon at paghahanda sa mga persons deprived of liberty (PDL) para sa kanilang muling pagbabalik sa lipunan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Jail Chief Inspector Susan Encarnacion, District Jail Warden ng BJMP Cauayan, sinabi nito na layunin ng programa na mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong PDL na makapagpatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo habang nasa loob ng pasilidad.

Ayon kay Encarnacion, aktibong nakikipag-ugnayan ang kanilang development officers sa iba’t ibang ahensya upang matiyak na magiging produktibo ang mga PDL, lalo na ang mga nakapagtapos na ng senior high school at nagnanais pang ipagpatuloy ang kanilang edukasyon.

Aniya, nakikipag-ugnayan na ang BJMP Cauayan sa Isabela State University (ISU) Cauayan Campus upang maisakatuparan ang isang partnership na magbibigay-daan sa pagpapatupad ng programa. Sa ilalim nito, maaaring makapag-enroll sa kolehiyo ang mga kwalipikadong PDL nang hindi na kinakailangang lumabas ng piitan.

--Ads--

Dagdag pa niya, kapag naaprubahan ng ISU Cauayan ang panukalang pakikipagtulungan, ang mga guro ng unibersidad ang magsasagawa ng mga klase sa loob mismo ng pasilidad ng BJMP.

Binigyang-diin ni Encarnacion na mahalagang bahagi ng mandato ng BJMP ang pagbibigay ng makabuluhang rehabilitasyon sa mga PDL, kung saan itinuturing ang edukasyon bilang isa sa pinakamabisang paraan upang maihanda sila sa isang produktibo at responsableng pamumuhay sa oras na sila ay makabalik sa komunidad.