Umabot sa ₱830 milyon ang paunang export sales ng mga lokal na kumpanya ng beauty at personal care products matapos lumahok sa Cosmoprof Asia 2026 sa Hong Kong.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), halos anim na beses itong mas mataas kumpara sa ₱140 milyon na naitala noong nakaraang taon.
Dinala ng DTI ang 26 na kumpanyang Pilipino sa tatlong araw na trade exhibition, kung saan nakapagsagawa ang mga ito ng mahigit 470 business meetings kasama ang mga international buyers at distributors mula sa mahigit 50 merkado.
Ayon kay Trade Secretary Cristina Roque, patunay ito ng lumalawak na pagkilala sa mga produktong beauty ng Pilipinas o P-Beauty dahil sa kalidad, lokal na sangkap at inobasyon.
Kabilang sa mga itinampok na produkto ang skincare, cosmetics, personal care, wellness products at fragrances na gawa gamit ang mga lokal na sangkap tulad ng niyog, pili, papaya, calamansi at malunggay.










