--Ads--

Makatwiran lamang para sa public transport group ang paglalabas ng Land Transportation Office (LTO) ng Show Cause Order laban sa content creator na si Geo Ong kaugnay ng umano’y paglabag nito sa mga batas-trapiko habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Palawan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi nitong nararapat lamang na panagutin si Ong at patawan ng kaukulang parusa sakaling mapatunayan ang mga paglabag.

Binigyang-diin ni Lim na walang dapat na sinisino sa pagpapatupad ng batas, anuman ang estado sa buhay, kasikatan o posisyon ng isang tao. Mahalaga aniya na maipakita na pantay-pantay ang lahat sa ilalim ng batas upang mapanatili ang disiplina at kaligtasan sa kalsada.

Dagdag pa niya, may malaking impluwensiya ang mga kilalang personalidad dahil marami silang tagasubaybay na maaaring gumaya sa kanilang mga ginagawa, kahit hindi ito nararapat.

--Ads--

Dahil dito, nagsilbi rin aniyang paalala ang insidente sa iba pang personalidad na maging maingat at responsable sa kanilang mga kilos, lalo na sa mga gawaing ibinabahagi sa social media. Sa halip na magpakita ng maling asal, dapat silang maging mabuting halimbawa sa publiko, lalo na sa mga kabataan.