Muling nagningning si Josh Ybañez para sa Alas Pilipinas matapos masungkit ang ikalawang sunod na Best Libero award sa SEA V Cup kahit nagtapos lamang sa ikalimang puwesto ang pambansang koponan sa Leg 1 na ginanap sa Candon City, Ilocos Sur.
Kasunod ng kanyang pagkapanalo sa parehong kategorya noong Leg 2 ng torneo sa Indonesia noong nakaraang taon.
Bagama’t kilala bilang isa sa mga pinaka mahusay na scorer sa UAAP at tatlong beses na Most Valuable Player ng University of Santo Tomas, patuloy na ipinakita ni Ybañez ang kanyang husay sa depensa bilang floor defender ng pambansang koponan.
Napasama rin siya sa Dream Team ng torneo na pinangunahan ni Cambodia’s Veasna Voeurn, na itinanghal na Most Valuable Player at Best Outside Hitter matapos pangunahan ang kanilang bansa sa kampeonato laban sa Indonesia.
Nabigo ang Alas Pilipinas na makalusot sa susunod na yugto matapos matalo sa Cambodia sa limang set at masweep ng Indonesia sa Pool A. Gayunman, naiwasan ng koponan ang winless campaign nang kanilang walisin ang Myanmar sa classification match. Nakatakda silang sumabak sa Leg 2 ng SEA V Cup sa Jakarta, Indonesia mula Hulyo 22 hanggang 26.






