Sasabak muli ang Alas Pilipinas kontra Cambodia sa pagbubukas ng SEA V Cup Leg 2 sa Jakarta, Indonesia, bitbit ang hangaring makabawi matapos ang kanilang pagkatalo sa unang leg sa Candon City, Ilocos Sur.
Nanatiling buo ang tiwala ni head coach Angiolino Frigoni sa parehong koponang nagtapos sa ikalimang puwesto sa unang leg, kabilang sina Best Libero Josh Ybañez, Lloyd Josafat, Louie Ramirez, Vince Lorenzo at Jude Garcia.
Ayon kay Frigoni, bukas pa rin ang pinto para sa mga beteranong manlalarong hindi nakasama sa unang leg gaya nina Bryan Bagunas, Marck Espejo at Leo Ordiales, ngunit kailangan pa rin nilang pagtrabahuhan ang kanilang pagbabalik sa pambansang koponan.
Target ngayon ng Alas Pilipinas na makabawi sa Cambodia, na tumalo sa kanila sa limang set sa unang leg at kalauna’y nasungkit ang kampeonato ng torneo.











