Nasawi ang hindi bababa sa 35 katao habang 30 iba pa ang nasugatan matapos magsalpukan ang dalawang pampasaherong bus sa kahabaan ng Deir ez-Zor–Damascus highway sa Syria nitong Sabado.
Sa pahayag ng Syrian Interior Ministry, kabilang sa mga nasangkot sa banggaan ang isang bus na sakay ang mga miyembro ng Internal Security Forces at isang sibilyang pampasaherong bus.
Agad namang ipinadala sa lugar ng insidente ang mga ambulansya at iba pang emergency responders upang maisugod sa ospital ang mga sugatan at maiahon ang mga biktima.
Sinabi ni Emergency and Disaster Management Minister Raed al-Saleh na naganap ang banggaan malapit sa Al-Sukhnah City sa Palmyra–Deir ez-Zor highway.
Rumesponde rin ang mga tauhan ng civil defense upang apulahin ang sunog na sumiklab matapos ang aksidente, magbigay ng paunang lunas sa mga nasugatan, at tiyaking maihatid ang mga ito sa mga pagamutan.
Nakipag-ugnayan din ang mga rescue team sa Interior at Health Ministries para sa maayos na pagresponde at pagkuha sa mga labi ng mga nasawi sa naturang trahedya.








