--Ads--

Patuloy ang search and rescue operations ng mga awtoridad sa South China Sea matapos lumubog ang isang cargo vessel na may lulang 62 Vietnamese nationals, kung saan 23 katao pa ang nawawala habang 39 naman ang nailigtas.

Ayon sa ulat, lumubog ang Vietnamese cargo vessel na Khoi Nguyen 18 matapos makaranas ng insidente sa karagatan malapit sa Fiery Cross Reef sa Spratly Islands.

Unang namataan ng Chinese rescue ship na Nanhai Jiu 115 ang distress flare o emergency signal mula sa barko noong Sabado ng gabi, dahilan upang agad na magsagawa ng rescue operation sa lugar.

Anim na sasakyang pandagat ng China, isang rescue helicopter, at isang barko mula sa Vietnam ang nakibahagi sa paghahanap at pagsagip sa mga nawawalang tripulante.

--Ads--

Ang Khoi Nguyen 18 ay isang Vietnamese-registered cargo vessel na may habang halos 70 metro at gross tonnage na 999 tonelada.

Matatagpuan ang Fiery Cross Reef sa Spratly Islands, isang grupo ng mga bahura at maliliit na pulo sa South China Sea na matagal nang pinag-aagawan ng ilang bansa dahil sa estratehikong lokasyon at yamang-dagat nito.