Nasungkit ni Filipina billiards star Chezka Centeno ang kampeonato sa 2026 Oneida WPA Women’s World 8-Ball Championship matapos talunin ang dating world champion na si Kelly Fisher, 9-6, sa finals.
Ito ang ikalawang sunod na pagpasok ni Centeno sa championship match ng torneo matapos magtapos bilang runner-up kay Jasmin Ouschan noong inaugural edition noong nakaraang taon. Sa pagkakataong ito, nagtala siya ng walang bahid na pagkatalo sa buong torneo upang maiuwi ang world title at ang $30,000 na premyo.
Mas naging makahulugan ang tagumpay para kay Centeno dahil kamakailan lamang ay pumanaw ang kanyang ina na naging matibay niyang tagasuporta sa kanyang karera sa bilyar. Matapos maipasok ang panalong tira, hindi napigilan ng Pinay cue artist ang kanyang emosyon habang iniaalay ang tagumpay sa kanyang yumaong ina.
Sa kanyang panalo, nadagdagan pa ang koleksyon ni Centeno ng mga world championship title. Hawak na niya ngayon ang tatlong indibidwal na world crowns, kabilang ang WPA Women’s World 10-Ball Championship noong 2023 at 2025, at ang pinakabagong WPA Women’s World 8-Ball Championship ngayong 2026.











