Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang laban sa korapsyon, seguridad sa enerhiya, sapat na suplay ng pagkain, at pananagutan sa pamahalaan sa kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) sa Batasang Pambansa nitong Lunes.
Inihayag ng Pangulo na nagpapatuloy ang imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa mga flood control project. Aniya, malapit nang magsampa ng kaso ang Office of the Ombudsman laban sa dating House Speaker na si Martin Romualdez. Sinabi rin niyang umabot na sa P25 bilyon ang halaga ng mga na-freeze, na-preserba, at nabawing ill-gotten assets, kung saan P800 milyon ang naibalik na sa National Treasury.
Upang mabawasan ang epekto ng sigalot sa Gitnang Silangan, nagpatupad ang pamahalaan ng fuel subsidies, rollback sa presyo ng langis, at pansamantalang suspensyon ng excise tax sa LPG at kerosene. Hiniling din ni Marcos sa Kongreso na amyendahan ang EPIRA upang alisin ang system loss charge at VAT sa bayarin sa kuryente.
Sa agrikultura, sinabi ng Pangulo na patuloy ang programang Benteng Bigas Meron Na at operasyon ng mga Kadiwa center. Target din ng administrasyon na makapagtanim ng 100 milyong puno ng niyog bago matapos ang kanyang termino at palawakin ang crop insurance para sa mga magsasaka at mangingisda. Binanggit din niya ang mga proyektong North-South Commuter Railway, MRT-7, at Cebu Bus Rapid Transit.
Tinalakay rin ni Marcos ang mga programa para sa OFWs, pabahay, edukasyon, at kalusugan. Ayon sa kanya, mahigit 12,000 OFWs ang napauwi mula sa Gitnang Silangan at pinalawak ang mga benepisyo para sa mga manggagawa at pensioner. Muli rin niyang iginiit ang paninindigan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at nanawagan ng pagkakaisa upang maipagpatuloy ang mga reporma sa nalalabing dalawang taon ng kanyang termino.










