--Ads--

Nahaharap sa matinding migration crisis ang Ceuta, Spain matapos na makapasok ang tinatayang 2,000 hanggang 3,000 migrants mula sa Morocco.

Makikita sa mga video ang daan-daang migrants na lumalangoy o gumagamit ng mga salbabida at inflatable tubes upang marating ang teritoryo ng Spain, habang ang iba naman ay nakalusot sa mga border gate at bakod.

Dahil sa biglaang pagdagsa ng mga migrants, nagpadala ang pamahalaan ng Spain ng 200 karagdagang pulis at 60 sundalo upang palakasin ang seguridad sa lugar.

Nanawagan naman si Ceuta Mayor Juan Jesus Vivas sa national government na magdeklara ng state of emergency dahil sa lumalalang sitwasyon.

--Ads--

Ayon sa mga awtoridad, siyam na bangkay ang natagpuan sa Ceuta nitong Huwebes, dagdag sa mahigit 60 migrants na nasawi sa mga nakaraang buwan habang sinusubukang marating ang nasabing enclave.

Nakatakda namang bumisita sa Ceuta si Spanish Prime Minister Pedro Sanchez kasama ang Interior Minister upang makipagpulong sa mga lokal na opisyal at pwersa ng seguridad kaugnay ng krisis.