--Ads--

Isang pamilyang Pilipino ang nadamay sa madugong banggaan ng dalawang high-speed train na Iryo at Renfe sa Toledo, Spain, kung saan nagtamo ng sugat sa ulo ang ina ng pamilya at kinailangang isugod sa ospital para sa agarang lunas, ayon sa Philippine Embassy sa Madrid.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Consul General Mark Francis Hamoy, Deputy Head of Mission ng Embassy of the Republic of the Philippines in Madrid, sinabi niyang nakapagbigay na ng tulong ang embahada sa isang pamilyang Pilipino na naiulat na kabilang sa mga naapektuhan ng nasabing trahedya. Ayon sa kanya, isang kamag-anak ng pamilya na mula sa Pilipinas at bumisita sa Spain bilang turista ang kasama sa mga pasaherong sakay ng Iryo train nang mangyari ang insidente.

Ayon kay Hamoy, nakaupo sa unahang bahagi ng Iryo train ang pamilyang binubuo ng ama, ina, at dalawa nilang anak na lalaki na walong taong gulang at dalawang taong gulang. Ang ina ang nagtamo ng injury sa ulo na may sukat na limang sentimetro, dahilan upang dalhin siya sa ospital sa Toledo para sa agarang pagpapagamot.

Nang magtungo ang team ng embahada sa ospital upang bisitahin ang nasugatang ina, tiniyak nilang ligtas naman ang ama at ang dalawa nitong anak. Wala ring iba pang natukoy na sugat o concussion sa mga miyembro ng pamilya matapos silang masuri ng mga doktor.

--Ads--

Dagdag pa ni Hamoy, unang natanggap ang ulat tungkol sa pagkakasangkot ng pamilya mula sa kanilang kakilala na nasa Pilipinas pa. Ibinigay nito ang cellphone number ng ama upang agad na makipag-ugnayan ang embahada at matukoy ang kanilang kalagayan.

Samantala, sinabi rin ng opisyal na may dalawa pang Pilipinong naiulat na sakay ng tren, ngunit nakumpirma namang ligtas ang mga ito. Sa kasalukuyan, ang nasabing pamilya pa lamang ang naitatalang Pilipinong nasangkot sa insidente batay sa impormasyong kanilang beripikado.

Ayon kay Hamoy, naglagay na rin ang embahada ng online form sa kanilang website at mga opisyal na pahina upang makapag-ulat ang mga kamag-anak at kaibigan ng mga Pilipinong maaaring sakay ng dalawang tren nang maganap ang banggaan. Patuloy rin silang nakikipag-ugnayan sa mga awtoridad at railway companies sa Spain upang matukoy kung mayroon pang ibang kababayang nangangailangan ng tulong.

Ipinaliwanag niyang limitado ang impormasyong maaaring makuha mula sa railway authorities dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng data privacy sa Europe. Kailangan umano ng mga awtoridad ang tiyak na pangalan ng pasaherong kanilang hinahanap, samantalang hindi pa kumpleto ang impormasyong hawak ng embahada tungkol sa lahat ng posibleng Pilipinong sakay ng mga tren.

Kaugnay nito, agad ding tinulungan ng embahada ang pamilya sa kanilang kahilingan na makabalik sa Madrid matapos maantala ang kanilang biyahe dahil sa pagsasara ng railway line. Dakong alas-siyete ng gabi, oras sa Spain, nang maihatid ang mga ito pabalik sa hotel na kanilang tinutuluyan sa Madrid.

Kabilang sa mga susunod na hakbang ng embahada ang pakikipag-ugnayan para sa rebooking ng kanilang flight dahil nais na nilang makauwi sa Pilipinas. Tinutulungan din silang alamin ang mga kinakailangan upang makapaghain ng compensation claim o humingi ng kaukulang danyos at assistance mula sa mga kinauukulang awtoridad at kumpanya.

Batay sa mga ulat, naganap ang banggaan noong Oktubre 28 sa bahagi ng Urda, lalawigan ng Toledo, sa ruta ng Madrid patungong Andalusia. Bumangga ang isang Renfe AVE train sa likurang bahagi ng Iryo train na nakahinto sa riles, na nagresulta sa pagkadiskaril ng ilang bagon at maraming nasawi at nasugatan. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang eksaktong sanhi ng insidente.

Ayon kay Hamoy, nananatiling nakatutok ang embahada sa loob ng 24 oras upang tumugon sa anumang bagong ulat ng mga Pilipinong maaaring naapektuhan ng trahedya. Inaasahan ding magtatagal ang imbestigasyon dahil nananatili sa lugar ang mga tren na sangkot sa banggaan at posibleng magsara muna ang ilang linya ng riles habang isinasagawa ang pagsusuri.

Bilang paalala, hinimok ni Hamoy ang mga Pilipinong naglalakbay sa ibang bansa na maging maingat, mapagmatyag, at laging may mataas na kamalayan sa mga posibleng panganib. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pag-alam sa contact information ng pinakamalapit na pasuguan o konsulado, na maaaring lapitan anumang oras sakaling magkaroon ng emergency sa ibang bansa.