Hindi lamang ang taunang kita na hanggang P350,000 ang planong ilibre sa income tax kundi pati na rin ang iba pang benepisyo gaya ng 13th at 14th month pay, ayon kay House Ways and Means Committee Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Ipinaliwanag ni Quimbo na mas lalaki ang take-home pay ng mga manggagawa dahil hindi lamang ang kanilang pangunahing sahod ang saklaw ng planong tax exemption.
Ayon sa mambabatas, kabilang sa pinag-aaralang mga panukala ang pagtaas ng tax-exempt ceiling para sa 13th month pay at iba pang year-end benefits mula sa kasalukuyang P90,000 tungo sa P120,000.
Matatandaang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na itaas sa P350,000 mula P250,000 ang taunang income tax exemption upang makatulong sa mga manggagawa sa gitna ng tumataas na presyo ng mga bilihin.
Bagama’t may ilang sektor, kabilang ang Makabayan bloc sa Kamara, na nagsusulong na gawing P500,000 ang tax-exempt income threshold, sinabi ni Quimbo na higit pa sa P350,000 ang magiging aktuwal na benepisyo dahil kasama rin sa planong ilibre sa buwis ang ilang karagdagang benepisyo ng mga empleyado.
Aniya, nakatakdang simulan ng komite sa susunod na linggo ang mga pagdinig kaugnay ng tax relief package. Unang iimbitahan ang Department of Finance (DOF) upang talakayin ang posibleng epekto nito sa kita ng pamahalaan.
Kasunod nito ay pakikinggan naman ang pananaw ng mga manggagawa, employers at iba pang sektor na maaapektuhan o makikinabang sa panukala, gayundin ang mga eksperto mula sa akademya upang matiyak na makakamit ang layunin ng panukala.
Target ng Kamara na maipasa agad ang panukala upang maipatupad ito pagsapit ng Enero 1, 2027, na inaasahang magbibigay ng dagdag na ginhawa sa mga middle-class earners na madalas umanong hindi kabilang sa mga benepisyaryo ng ayuda tuwing may krisis.











