Inihayag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na huling natukoy ang lokasyon ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa bahagi ng Mindanao.
Kasabay nito, pinabulaanan ni Remulla ang mga kumakalat na ulat na naaresto na si Dela Rosa kaugnay ng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC).
Sinabi ng kalihim na isinailalim na sa beripikasyon ng mga awtoridad ang naturang impormasyon, ngunit wala umanong nakitang katotohanan sa mga pahayag na nasa kustodiya na ng pamahalaan ang senador.
Tiniyak ni Remulla na kung sakaling maisagawa ang pag-aresto, susundin ng mga awtoridad ang nararapat na proseso ng batas, kabilang ang booking at pagharap sa lokal na korte bago ang anumang hakbang para sa extradition.
Matatandaang naging mailap ang lokasyon ni Dela Rosa matapos siyang umalis sa Senado sa Pasay kasunod ng insidente ng pamamaril noong Mayo.
May umiiral na arrest warrant ang ICC laban sa senador kaugnay ng kasong crimes against humanity, kung saan iniuugnay siya bilang isa sa umano’y mga sangkot kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa mga alegasyon ng pagpatay sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga ng nakaraang administrasyon.











