--Ads--

Mariing tinutulan ng Philippine National Police (PNP) ang panawagang gumamit ng ‘shoot-to-kill’ approach laban kay Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa kaugnay ng pagpapatupad ng arrest warrant laban sa kaniya.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., tungkulin ng mga pulis na ipatupad ang batas at hindi gumawa ng sariling hakbang na labag dito, anuman ang personalidad na kanilang hinahabol.

Binigyang-diin ni Nartatez na kailangang pairalin sa lahat ng police operations ang due process, human rights at rule of law, at iwasan ang paggamit ng labis na puwersa.

Naglabas ng pahayag ang PNP matapos itanggi ni Cagayan de Oro 1st District Representative Lordan Suan ang kumakalat na social media posts na nag-uugnay sa kaniya sa panawagang maglabas ng ‘shoot-to-kill’ resolution laban sa senador. Ayon kay Suan, gawa-gawa lamang ang naturang pahayag.

--Ads--

Nananatili namang subject ng arrest warrant si Dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).

Nag-expire noong Oktubre 30 ang isang linggong palugit na ibinigay ng PNP sa senador upang sumuko. Patuloy naman ang intelligence at monitoring operations ng mga awtoridad upang matukoy ang kaniyang kinaroroonan at maipatupad ang warrant.

Muling iginiit ng PNP chief na hindi dapat isakripisyo ang mga legal na proseso at karapatang pantao sa paghahangad ng pananagutan at katarungan.