Tiniyak ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na walang matatanggap na special treatment si Senator Ronald “Bato” Dela Rosa sa pagpapatupad ng warrant of arrest laban sa kaniya sa kabila ng dati nitong pagiging hepe ng pambansang pulisya.
Ito ang tugon ni Nartatez sa hamon ng Malacañang na tiyaking hindi maaapektuhan ng dating posisyon at personal na ugnayan ang paghahanap sa senador.
Nauna rito, inamin ni Interior Secretary Jonvic Remulla na nagiging hamon sa mga awtoridad ang dating pamumuno ni Dela Rosa sa PNP. Sinabi naman ni Palace Press Officer Claire Castro na inaasahan ng administrasyon na tutuparin ng pulisya ang kanilang tungkulin nang walang kinikilingan.
Ayon kay Nartatez, patuloy ang beripikasyon ng mga impormasyong may kaugnayan sa kinaroroonan ng senador sa pamamagitan ng dedicated hotlines at nationwide tracker teams.
Naglaan din ang pamahalaan ng P50 milyong pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyong hahantong sa pagkakaaresto kay Dela Rosa.
Wanted ang senador ng International Criminal Court kaugnay ng mga alegadong krimen laban sa sangkatauhan na may kaugnayan sa kampanya kontra droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.











