--Ads--

Umabot na sa 13 katao ang nasawi sa iba’t ibang bahagi ng Luzon dahil sa pagbaha, pagguho ng lupa, at iba pang insidenteng dulot ng siyam na araw na tuloy-tuloy na pag-ulan na pinalala ng mga bagyo at Habagat.

Ayon sa mga rescuer, apat sa mga nasawi ay mula sa Baguio City matapos gumuho ang isang bahagi ng bundok na tumabon sa ilang kabahayan. Patuloy naman ang search and rescue operations para sa hindi bababa sa anim na iba pang nawawala.

Sinabi ni PAGASA weather forecaster Dan Villamil na umabot sa 1,413.2 millimeters ang naitalang ulan sa Baguio mula Agosto 1 hanggang 9, mas mataas ng 47% kumpara sa karaniwang dami ng ulan para sa buong buwan ng Agosto.

Bukod sa apat na nasawi sa Baguio, anim pang katao ang namatay sa magkakahiwalay na landslide sa iba pang bahagi ng Luzon. Isa naman ang nalunod, isa ang nasapol ng bumagsak na puno, at isa pa ang nakuryente.

--Ads--

Dahil sa patuloy na pag-ulan, suspendido ang klase at trabaho sa ilang lugar habang nakaranas din ng pagbaha sa Metro Manila at iba pang lalawigan.

Samantala, sinabi ni Public Works Secretary Vince Dizon na bagama’t nagsisimula nang humupa ang baha sa ilang lugar, nagpapatuloy pa rin ang mga hakbang ng pamahalaan upang matugunan ang epekto ng kalamidad.

Ayon kay Dizon, kinakailangang repasuhin at ayusin ang mga flood mitigation projects upang mabawasan ang pinsala ng mga pagbaha sa mga susunod na taon.

Patuloy namang nakaalerto ang mga awtoridad habang inaasahang magpapatuloy pa ang mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.