--Ads--

Umabot na sa 43 ang naiulat na nasawi dahil sa mga pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat at mga bagyong Luis, Maymay, Neneng at Pilandok na tumama sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pinakahuling datos ng NDRRMC na inilabas alas-6 ng gabi nitong Setyembre 5, karamihan sa mga nasawi ay dahil sa landslide at pagkalunod. Mayroon ding namatay dahil sa pagkakuryente at pagbagsak ng puno.

Naitala ang mga nasawi sa Benguet na may 15, Rizal na anim, Batangas na apat, tig-tatlo sa Pangasinan, Zambales at Caloocan, tig-dalawa sa Pampanga at Quezon, at tig-isa sa La Union, Oriental Mindoro, Negros Occidental, habang dalawa naman sa Occidental Mindoro.

Samantala, 20 ang naiulat na nasugatan sa Ilocos Sur, Benguet, Abra, Quezon City, Rizal at Cavite.

--Ads--

Lima naman ang patuloy na nawawala mula sa Quezon City, Manila, Batangas, Rizal at Pampanga.

Apektado naman ng mga sama ng panahon ang nasa 2.9 milyong pamilya o katumbas ng 10.2 milyong indibidwal sa Ilocos Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, National Capital Region at Western Visayas.

Sa 814 evacuation centers, nasa 18,299 pamilya o 62,791 indibidwal ang kasalukuyang nananatili at humihingi ng pansamantalang masisilungan.

Samantala, 3,882 bahay ang bahagyang nasira habang 585 naman ang tuluyang nawasak.

Ayon sa PAGASA, magpapatuloy ang epekto ng Habagat sa Luzon at Visayas ngayong Linggo at magdadala ito ng mga panaka-nakang pag-ulan at thunderstorms sa ilang lugar.