Hiniling ni U.S. President Donald Trump na magbayad ng danyos ang Iran para sa mga nasawi at nasugatan sa mga insidenteng iniuugnay ng Washington sa Tehran, kasabay ng lumalabong pag-asa na agad na maaayos ang sigalot sa Strait of Hormuz.
Sa isang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na bahagi na ng mga susunod na negosasyon sa Iran ang kahilingang magbigay ito ng kompensasyon para sa mga biktima ng mga pag-atake at armadong tunggalian na umano’y may kaugnayan sa Iran.
Iginiit din ng pangulo ng Amerika na dapat mabigyan ng kabayaran ang mga pamilya ng mga nasawi sa mga protesta na aniya’y marahas na sinupil ng pamahalaan ng Iran.
Binanggit din ni Trump ang mga pamilya ng mga nasawi sa pag-atake sa USS Cole noong 2000 sa Yemen. Gayunman, matagal nang itinuturong responsable sa naturang insidente ang grupong al-Qaeda at hindi ang Iran.
Nauna rito, nagpahayag ang Iran na malapit na itong makabuo ng kasunduan sa Oman hinggil sa bagong mga ruta ng paglalayag sa Strait of Hormuz. Subalit nanindigan ang Tehran na kailangan munang tugunan ng Estados Unidos ang ilang kondisyon, kabilang ang pagbabayad ng kompensasyon, pag-alis ng mga economic sanctions, at pagtigil sa mga banta ng aksyong militar.
Dahil sa kawalan ng malinaw na kasunduan, muling nabahala ang pandaigdigang merkado. Tumaas ang presyo ng langis at natural gas habang patuloy na mino-monitor ng mga investors ang sitwasyon sa isa sa pinakamahalagang rutang dinadaanan ng suplay ng enerhiya sa mundo.
Samantala, nananatiling mataas ang tensyon sa Middle East dahil sa nagpapatuloy na sagupaan sa Yemen at mga pag-atake ng mga rebeldeng Houthi sa mga barko at target na may kaugnayan sa kanilang mga kalaban sa rehiyon.











