--Ads--

Isang panalo na lamang ang kailangan ng Alas Pilipinas Girls upang maselyuhan ang puwesto sa Round of 16 ng FIVB Volleyball Girls U17 World Championship habang haharapin nila ang world No. 6 Peru sa kanilang susunod na laban.

Matapos maitala ang dalawang makasaysayang panalo laban sa mas mataas na ranggong Mexico at Tunisia, hawak ngayon ng Pilipinas ang 2-1 kartada at kasalukuyang nasa ikalawang puwesto sa Pool B sa likod ng nangungunang China.

Ayon kay team manager at assistant coach Karl Chan, nauunawaan ng koponan ang kahalagahan ng kanilang nalalapit na mga laban at determinado silang makamit ang susunod na yugto ng torneo. Aniya, hindi dapat maging kampante ang koponan sa kanilang mga naunang tagumpay dahil mayroon pa silang kailangang taluning matitinding kalaban.

Pinangunahan ni Caera Celis ang opensa ng Pilipinas sa mga nakaraang laban, katuwang sina Xyz Rayco, Princess Khaira Manzano, Madele Gale at Sharina Lleses na nagbigay rin ng mahahalagang puntos para sa koponan.

--Ads--

Pagkatapos ng laban kontra Peru, tatapusin ng Alas Pilipinas Girls ang kanilang kampanya sa pool stage laban sa world No. 12 Venezuela habang patuloy na naghahangad na makapasok sa knockout round ng prestihiyosong pandaigdigang torneo.