Arestado ang isang 26-anyos na lalaki matapos maaktuhan sa isinagawang buy-bust operation nitong umaga, Agosto 12, sa Purok 6, Brgy. Cabaruan, Cauayan City.
Kinilala ang suspek na residente ng Purok 5, Brgy. San Fermin, Cauayan City.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan, nakumpiska mula sa kanya ang isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting kristalinong substansya na hinihinalang shabu, isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money, isang kulay itim na smartphone, ₱550 cash, at isang itim na Honda Click motorcycle.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa suspek, inamin nitong gumagamit siya ng ipinagbabawal na droga sa loob ng isang taon at ito ang unang pagkakataong nahuli siya ng mga awtoridad.
Aminado rin ang suspek na sa kanya ang lahat ng mga ebidensyang narekober sa operasyon. Gayunman, tumanggi itong magbigay ng impormasyon hinggil sa pinanggagalingan ng ilegal na droga.
Ayon sa mga awtoridad, kabilang ang suspek sa mga tinutukoy na street-level individual na sangkot sa ilegal na droga.
Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng Cauayan Component Police Station ang suspek at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.











