Inaasahang aabot sa P21.48 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas pagsapit ng katapusan ng 2027, batay sa mga dokumento ng Budget and Expenditures and Sources of Financing.
Mas mataas ito sa projected debt level na P19.76 trilyon para sa 2026.
Samantala, nasa P19.065 trilyon na ang utang ng national government nitong katapusan ng Hunyo 2026, mas mataas ng P518.98 bilyon kumpara sa P18.546 trilyon noong Mayo at P17.267 trilyon noong Hunyo 2025.
Kasabay ng mabagal na economic growth na 2.3% sa unang kalahati ng 2026, umakyat naman sa 66% ng gross domestic product o GDP ang debt-to-GDP ratio ng bansa.
Ito na ang pinakamataas na antas sa loob ng 22 taon o mula nang umabot sa 71.6% noong 2004.
Sa inaasahang P21.48-trilyong utang sa 2027, P14.3 trilyon ang magmumula sa domestic borrowing habang P7.2 trilyon naman ang external debt. Nakabatay ang projection sa palagay na aabot sa P62 kada US dollar ang palitan ng piso sa pagtatapos ng 2027.
Samantala, tinatayang aabot sa P3.304 trilyon ang kabuuang pangungutang ng national government sa susunod na taon. Sa halagang ito, P2.389 trilyon ang kukunin sa domestic sources at P914.982 bilyon naman sa foreign sources.
Kabilang sa domestic borrowing plan ang P2.329 trilyon mula sa fixed-rate Treasury bonds at P60 bilyon mula sa Treasury bills.











