Hinamon ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro si Senator Alan Peter Cayetano na siya mismo ang manguna sa mungkahing boluntaryong pagbibigay ng P170,000 bilang ambag sa pagbabayad ng utang ng bansa.
Ito ay kasunod ng panukala ni Cayetano na bumuo ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Department of Finance (DOF) ng mekanismo upang makapagbigay ng boluntaryong kontribusyon ang mga Pilipinong nais tumulong sa pagbabayad ng national debt.
Ayon kay Castro, dahil si Cayetano ang nagpasimula ng ideya, mas makabubuting siya mismo ang maging halimbawa at manguna sa pagbibigay ng naturang halaga.
Hinimok din niya ang senador na siya na mismo ang bumalangkas ng panukalang batas para rito.
Nauna rito, sinabi ni Cayetano sa deliberasyon ng Senado para sa panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027 na umaabot na sa P19.66-trilyon ang utang ng pamahalaan hanggang ikatlong quarter ng 2026, katumbas ng mahigit P170,000 kada Pilipino.
Samantala, sinabi ni Executive Secretary Ralph Recto na maaaring direktang magbigay ng kontribusyon si Cayetano sa Bureau of Internal Revenue (BIR) o sa Bureau of the Treasury kung nais nitong tumulong sa pagbabayad ng utang ng bansa.
Gayunman, nilinaw ni Recto na hindi naman kinakailangan ang naturang kontribusyon, bagama’t bukas ang pamahalaan sa anumang ambag.
Sa paglilinaw naman ni Cayetano, hindi lamang ang boluntaryong pagbibigay ng kontribusyon ang nais niyang isulong kundi maging ang pagkakaroon ng mas maayos na sistema sa pangungutang ng pamahalaan.
Nagbabala rin siya na posibleng umabot sa P20-trilyon ang utang ng bansa sa susunod na taon.
Binigyang-diin ng senador na dapat matiyak na napupunta sa produktibong proyekto ang perang inuutang ng pamahalaan, dumaraan sa tamang proseso ng Kongreso ang pangungutang, at nagagamit nang wasto ang pondo mula sa buwis ng taumbayan.











