--Ads--

Timbog ang isang 29-anyos na lalaki matapos masangkot sa isang buy-bust operation laban sa ilegal na droga sa Barangay Andres Bonifacio, Diffun, Quirino.

Isinagawa ang operasyon ng Diffun Police Station at Quirino Provincial Drug Enforcement Unit, sa koordinasyon ng PDEA Regional Office 2.

Ayon sa pulisya, nakumpiska mula sa suspek ang isang sachet ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 0.3 gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱1,950.

Nakuha rin bilang buy-bust item ang isang tunay na ₱1,000 bill, habang kabilang sa iba pang nakumpiska ang isang kulay abong cellphone at isang kulay asul na lighter.

--Ads--

Isinagawa naman ang imbentaryo, pagmamarka at dokumentasyon ng mga nakumpiskang ebidensya sa lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at mga saksi mula sa Department of Justice at nasabing barangay.

Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Diffun Police Station para sa kaukulang dokumentasyon at custodial investigation.

Inihahanda na ang pagsasampa ng kaso sa paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.