--Ads--

Naghahanda ang Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ng humigit-kumulang P36 milyong insurance payout para sa 5,005 magsasakang may insured na sakahan na napinsala ng mga Bagyong Luis, Maymay at habagat mula Agosto 1 hanggang 11.

Ayon kay PCIC President Jovy Bernabe, inatasan na ang mga regional office na magsagawa ng validation at pabilisin ang pagproseso ng mga claim upang agad na maihatid ang tulong sa mga apektadong magsasaka.

Batay sa paunang pagtataya, umabot sa P35.67 milyon ang insured damage sa anim na rehiyon. Pinakamarami ang naapektuhan sa Region III, Region I at Region IV-B.

Pinakamalaki ang naitalang pinsala sa palay na umabot sa P25.6 milyon, kasunod ang mais at high-value crops.

--Ads--

Binigyang-diin ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kahalagahan ng agarang ayuda upang mabilis na makabangon ang mga magsasaka at maipagpatuloy ang kanilang produksyon at kabuhayan.

Patuloy naman ang field validation ng PCIC at maaaring magbago pa ang kabuuang halaga ng pinsala habang nagpapatuloy ang pagsusuri.