--Ads--

Nasa 1,700 Pilipinong naghahangad makapagtrabaho sa Central Europe ang nailigtas umano sa isang hinihinalang illegal recruitment scheme matapos maaresto ang suspek na nag-aalok ng pekeng trabaho sa ibang bansa.

Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ang naarestong suspek ay si Mazhoor Ubongin Khusin o “Maz,” na nahuli noong Hulyo 2026 sa Mexico, Pampanga.

Sinabi ng DMW na si Khusin ay dating opisyal ng ALJU International Manpower Services, Inc., isang recruitment agency na naharap na noon sa mga parusa dahil sa maling job offers, mataas na placement fees, at kabiguang mag-refund sa mga aplikante. Dahil dito, binawi na ang awtoridad ng ahensya na mag-recruit ng mga manggagawa para sa Europe.

Batay sa imbestigasyon, nag-aalok umano ang suspek ng trabaho sa Poland, Lithuania at Czech Republic bilang factory worker, farm worker at hotel worker na may ipinapangakong sahod na aabot sa ₱90,000 kada buwan.

--Ads--

Upang makuha ang naturang trabaho, pinagbabayad umano ang mga aplikante ng placement fee na nasa pagitan ng ₱80,000 hanggang ₱130,000 at minamadaling magbayad gamit ang iba’t ibang mapanlinlang na pamamaraan.

Ayon kay Cacdac, malaking hakbang ang pagkakaaresto sa suspek na ngayon ay nahaharap sa mga kasong may kaugnayan sa large-scale illegal recruitment.

Kasabay nito, muling nagbabala ang DMW sa publiko na mag-ingat sa mga nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa, lalo na kung humihingi ng malaking placement fee, nangangako ng mataas na sahod, visa assistance, permanent residency o agarang deployment.