--Ads--

Seryosong pinag-aaralan ng Senado ang panukalang ilipat sa hapon ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang mabigyan ito ng mas mahabang oras at mapabilis ang pagdinig sa kaso.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, iminungkahi ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na idaos ang mga regular na sesyon ng Senado sa umaga at simulan ang impeachment trial alas-3 ng hapon pataas.

Sinabi ni Gatchalian na sa ilalim ng kasalukuyang iskedyul, umaabot ng dalawa hanggang tatlong araw ang pagdinig sa isang testigo dahil sa haba ng direct at cross-examination, gayundin ng mga interpelasyon ng mga senador.

Layunin aniya ng panukala na magkaroon ng mas mahabang oras para sa paglilitis upang mas mapabilis ang pag-usad nito at makabalik ang Senado sa normal nitong gawaing lehislatibo.

--Ads--

Inamin din ni Gatchalian na mahirap pagsabayin ng mga senador ang kanilang tungkulin bilang senator-judges at bilang mambabatas, lalo na ngayong nagsisimula na ang pagtalakay sa panukalang pambansang badyet para sa 2027.

Samantala, tiniyak naman ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na ipagpapatuloy nito ang mga hakbang para sa transparency sa pagtalakay ng pambansang badyet na sinimulan ni Gatchalian noong nakaraang taon.