--Ads--

Patuloy na minomonitor ng Cabatuan Police Station ang mga insidenteng naitatala sa kanilang nasasakupan kabilang ang mga vehicular incident at paglabag sa mga lokal na ordinansa upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bayan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Oneal Jay Dumayas, Chief of Police ng Cabatuan Police Station, sinabi niyang nananatiling pangkalahatang mapayapa ang peace and order situation sa bayan ng Cabatuan.

Ayon kay Dumayas, mula nang maupo siya bilang hepe ng himpilan noong Abril 29, 2026 ay nakapagtala na sila ng 34 na vehicular incidents sa kanilang nasasakupan.

Aniya, patuloy nilang pinagtutuunan ng pansin ang pagpapatupad ng mga hakbang sa crime prevention kabilang ang regular na motorcycle patrol, mobile patrol, foot patrol, police visibility operations at pagsasagawa ng checkpoints.

--Ads--

Dagdag pa niya, nagsasagawa rin sila ng barangay visitation, dialogues at information dissemination activities upang mapalakas ang ugnayan ng pulisya at komunidad.

Kaugnay naman sa kampanya kontra ilegal na droga, sinabi ni Dumayas na hindi gaanong malala ang sitwasyon sa kanilang bayan ngunit hindi sila nagpapakampante at patuloy na nagsasagawa ng mga programa upang maiwasan ang paglaganap nito.

Kabilang sa kanilang mga hakbang ang pakikipag-ugnayan sa mga barangay at pagpapalaganap ng tamang impormasyon sa publiko hinggil sa masamang epekto ng ilegal na droga.

Samantala, patuloy rin ang pagbabantay ng Cabatuan Police Station sa mga paaralan lalo na sa oras ng pagpasok at pag-uwi ng mga mag-aaral.

Ayon kay Dumayas, nagsasagawa sila ng police presence sa paligid ng mga paaralan at pangunahing lansangan, gayundin ng school visitation, coordination meetings, lectures, dialogues at information dissemination activities na nakatuon sa anti-criminality, anti-bullying, anti-illegal drugs, disaster preparedness, public safety at child protection.