Ipinagtanggol ng Philippine National Police (PNP) ang naging pagtugon ng mga pulis sa mga protestang naganap kasabay ng ika-49 na ASEAN Summit at Related Summits, bagama’t inilarawang pangkalahatang mapayapa ang sitwasyon ng seguridad.
Ayon kay PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, naaayon lamang sa kilos ng mga raliyista ang naging aksiyon ng mga pulis at nagpatupad muna ang mga ito ng maximum tolerance bago magsagawa ng pag-aresto.
Pinaalalahanan din niya ang mga nagpoprotesta na huwag ipagkamali ang pagpipigil ng mga pulis bilang kahinaan o kawalan ng determinasyong ipatupad ang batas.
Iniulat ni Co na umabot sa 220 indibidwal ang naaresto, 21 ang nailigtas at 15 pulis ang nasugatan sa mga insidenteng may kaugnayan sa mga protesta. Ilan sa mga pulis ang nagtamo ng pinsala sa ulo matapos tamaan ng mga bagay na inihagis umano ng mga raliyista.
Samantala, pananatilihin ng PNP ang kasalukuyang security deployment, ngunit ililipat ang ilang tauhan sa mga lugar na inaasahang magkakaroon ng posibleng kaguluhan.











