Nananatiling generally peaceful ang bayan ng Mallig, Isabela sa kabila ng ilang naitatalang petty crimes at iba pang insidente, ayon sa lokal na kapulisan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Rufo Figarola, Chief of Police ng Mallig Police Station, nasa 64 pa lamang ang kabuuang crime incidents na naitala sa kanilang bayan mula Enero hanggang sa kasalukuyan.
Karamihan umano sa mga ito ay mga vehicular accident, habang bumaba naman ang kanilang index crimes kung ihahambing sa nakaraang taon.
Nakapagtala rin ang Mallig Police ng 36 accomplishments kaugnay ng pagpapatupad ng iba’t ibang special laws, kabilang ang mga operasyon laban sa ilegal na droga, loose firearms, illegal fishing at iba pang paglabag.
Pagdating naman sa kampanya kontra ilegal na droga, aminado si Figarola na mayroon pa ring naitatalang kaso sa kanilang bayan, dahilan upang patuloy nilang paigtingin ang koordinasyon sa lokal na pamahalaan, barangay officials at intelligence units.
Kabilang din sa kanilang mga hakbang ang pagpapatuloy ng preventive programs sa mga komunidad at kabataan upang mapanatili ang drug-cleared status ng mga barangay.
Dahil dito, kinilala ang Mallig bilang isa sa mga national awardees sa Anti-Drug Abuse Council o ADAC Performance Audit na iginawad ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Apat lamang umano sa mga bayan sa Isabela ang nakatanggap ng naturang pagkilala, habang pito naman sa buong Region 2 ang naging awardees.
Samantala, bilang karagdagang hakbang sa pagpapanatili ng seguridad sa mga komunidad, kasalukuyan ding ipinapatupad bilang pilot program ang pag-oorganisa sa mga mangingisda ng kiwet bilang katuwang ng pulisya.
Ayon kay Figarola, gabi-gabi kasing lumalabas ang mga mangingisda upang manghuli ng kiwet at umaabot hanggang madaling araw ang kanilang aktibidad.
Dahil dito, maaari silang makatulong sa pagbibigay ng impormasyon sa kapulisan kung may mapansin silang kahina-hinalang tao o aktibidad sa kanilang mga barangay, lalo na’t karaniwang sa gabi nagaganap ang ilang insidente ng pagnanakaw.
Positibo naman umano ang naging pagtanggap ng mga mangingisda sa programa, kung saan mayroon na ring ginagamit na flashlight signals bilang paraan ng pagkakakilanlan at koordinasyon sa mga nagpapatrulyang intelligence personnel.
Kaugnay nito, inihahanda na rin ng Mallig Police Station ang kanilang seguridad para sa nalalapit na holiday season sa pamamagitan ng pagpapalakas ng checkpoints, beat patrols at mobile patrol operations.
Tututukan din ang mga lugar na pinagdarausan ng mga aktibidad at pagtitipon, kabilang ang harap ng munisipyo kung saan nagkakaroon na ng mga kasiyahan tuwing gabi at dinarayo ng mga kabataan.
Tiniyak naman ni Figarola na sapat ang kanilang personnel upang mabantayan ang 18 barangay ng bayan, katuwang ang dalawang mobile patrol at isang motorcycle patrol. Ilalagay rin sa heightened alert ang kanilang mga tauhan ngayong holiday season.











