--Ads--

Iginiit ni Senate President Sherwin Gatchalian na mahigpit na ipatutupad ng Senado ang polisiya na nagbabawal sa paglalaan ng confidential at intelligence funds (CIFs) sa mga non-enforcement agency ng pamahalaan upang maiwasan ang posibleng pang-aabuso sa naturang pondo.

Sinabi ni Gatchalian na hindi papayagan ng Senado ang paglalagay ng confidential funds sa mga ahensiyang walang direktang tungkulin sa pagpapatupad ng batas o pambansang seguridad.

Ayon sa kanya, bilang patakaran, tanging mga law enforcement, intelligence at uniformed personnel agencies lamang ang dapat magkaroon ng confidential at intelligence funds.

Dahil dito, tiniyak ni Gatchalian na hindi na magkakaroon ng CIFs ang Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) dahil hindi naman mga enforcement agency ang mga ito.

--Ads--

Sinabi rin niya na hindi lamang ang OVP at DepEd ang sakop ng naturang polisiya kundi maging ang iba pang civilian agencies ng pamahalaan.

Gayunman, nilinaw niya na maaari lamang payagan ang paglalaan ng confidential funds kung maipapakita ng isang ahensiya ang malinaw at mahalagang pangangailangan nito at makalulusot sa masusing pagsusuri ng Kongreso.

Binigyang-diin din ni Gatchalian na pinapayagan pa rin ang CIFs para sa mga ahensiyang may intelligence at enforcement functions tulad ng Philippine Coast Guard at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).

Samantala, sinabi niyang nararapat lamang na magkaroon ng confidential at intelligence funds ang Office of the President dahil mayroon itong mga espesyal na yunit na nagsasagawa ng law enforcement at anti-corruption operations.

Dagdag pa niya, bilang Commander-in-Chief ng Armed Forces of the Philippines, kinakailangan din ng Pangulo ang access sa intelligence at confidential funds upang magampanan ang kanyang mga tungkulin sa pambansang seguridad.