--Ads--

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dumaan sa wastong proseso ang pagbili ng pamahalaan ng mga laptop na kasalukuyang ipinamahagi sa mga pampublikong guro at walang anumang iregularidad sa transaksiyon.

Ito ang pahayag ng Pangulo sa mga guro sa Dagupan City, Pangasinan nang pangunahan niya ang pamamahagi ng mga laptop na layong mapagaan ang kanilang mga tungkulin sa pagtuturo.

Ayon kay Marcos, batid niya na maraming guro ang napilitang bumili ng sarili nilang laptop dahil sa kakulangan ng computer sa mga paaralan.

Dahil dito, bumili ang pamahalaan ng mahigit 230,000 karagdagang laptop upang matugunan ang pangangailangan ng mga guro.

--Ads--

Iginiit din ng Pangulo na nakatipid ang gobyerno ng ₱1.4 bilyon sa naturang pagbili, na maaari namang ilaan sa iba pang pangangailangan ng sektor ng edukasyon.

Matatandaang nasangkot sa kontrobersiya ang Department of Education dahil sa naunang pagbili ng mga laptop na umano’y overpriced sa kabila ng mababang specifications at na-flag ng Commission on Audit (COA).