Hinimok ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM 2) ang Department of Education (DepEd) na palakasin ang curriculum sa early childhood at primary education matapos matukoy na 75% ng mga mag-aaral sa Grade 1 ang nahihirapang magbasa.
Batay sa Comprehensive Rapid Literacy Assessment ng DepEd sa pagsisimula ng School Year 2026-2027, nasa 45% o katumbas ng 2.2 milyong mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 3 ang may suliranin sa pagbasa.
Ayon sa EDCOM 2, kailangang matiyak na nahahasa ang kakayahan ng mga bata sa pagbabasa bago umabot sa Grade 2 at Grade 3 upang maiwasan ang mas malaking learning gap.
Dahil dito, ipinanawagan ng komisyon ang mas matibay na ugnayan ng curriculum mula sa child development centers at daycare hanggang kindergarten at Grade 1.
Alinsunod sa Republic Act No. 12199 o ECCD System Act, kabilang sa responsibilidad ni Education Secretary Sonny Angara ang pangangasiwa sa Early Childhood Care and Development curriculum bilang co-chairperson ng ECCD Council.










