--Ads--

Inilahad ni Cauayan City Mayor Caesar “JC” Dy Jr. ang mga pangunahing proyekto, programa at mga nakamit ng lokal na pamahalaan sa nakalipas na taon sa pamamagitan ng isang video na inilabas niya sa kanyang social media account.

Sa naturang progress report, binigyang-diin ni Mayor Dy ang layunin ng kanyang administrasyon na patuloy na kilalanin ang Cauayan bilang isang Innovative City at gamitin ang teknolohiya at inobasyon upang mapahusay ang paghahatid ng serbisyo publiko.

Kabilang sa mga binigyang-pansin ang mga programa para sa mga kawani ng pamahalaang lungsod, sektor ng agrikultura, kabataan, manggagawa, kababaihan, senior citizens, persons with disabilities, single parents at iba pang vulnerable sectors. Tampok din ang City Hall on Wheels, na layuning ilapit ang serbisyo ng pamahalaan sa mga residente.

Iniulat din ng alkalde ang mga proyekto para sa imprastraktura, kabilang ang pagpapaayos at pagpapakonkretong mga kalsada, pagtatayo ng mga streetlight at mga bagong gusali, gayundin ang mga hakbang upang palakasin ang business sector, lumikha ng trabaho at suportahan ang paglago ng mga negosyo.

--Ads--

Binigyang-diin din ni Mayor Dy ang pagpapatuloy ng mga smart city initiatives at iba pang makabagong programa, katuwang ang iba’t ibang sektor at mga partner ng lokal na pamahalaan. Kabilang din sa kanyang inilahad ang mga aktibidad at events na nakatulong umano upang mas makilala ang Cauayan sa loob at labas ng bansa, gayundin ang mga awards at recognitions na natanggap ng lungsod.

Sa pagtatapos ng kanyang progress report, nagpasalamat si alkalde sa mga magsasaka, kabataan, kababaihan, senior citizens, persons with disabilities, negosyante, pribadong sektor, government employees at buong komunidad sa patuloy na suporta at pakikiisa sa mga programa ng lokal na pamahalaan para sa mas progresibo at matatag na Cauayan City.