--Ads--

Nangako ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na pananagutin at tutugisin ang mga responsable sa pananambang sa convoy ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interim Chief Minister Abdulraof “Sammy Gambar” Macacua, kasabay ng pagpapaigting ng seguridad bago ang kauna-unahang parliamentary elections sa Setyembre 14.

Mariing kinondena ng AFP ang insidente ng pag-atake na naganap sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte noong Sabado.

Ayon kay AFP Chief Gen. Antonio Nafarrete, nakikipag-ugnayan ang militar sa Philippine National Police (PNP), Commission on Elections (Comelec), at iba pang ahensya upang matukoy ang mga salarin at mapanagot ang mga ito alinsunod sa batas.

Batay sa mga ulat, tinambangan ng mga armadong kalalakihan ang convoy ni Macacua noong hapon ng Agosto 15 habang binabagtas ang Barangay Dulangan, Datu Odin Sinsuat.

--Ads--

Ilang sasakyan sa kanyang convoy ang pinaputukan ng mga suspek gamit ang matataas na kalibre ng baril.

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente at ligtas na nakaligtas ang lahat ng sakay ng convoy.

Patungo sana si Macacua sa isang proclamation rally ng Bangsamoro Federalist Party (BFP), kung saan siya ang nagsisilbing chairman, matapos tumakbo bilang independent candidate para sa ika-3 distrito ng lalawigan.

Kasunod ng insidente, agad na pinalakas ang seguridad sa Bangsamoro Government Center habang nagpapatuloy ang follow-up operations ng mga awtoridad upang matukoy at maaresto ang mga responsable sa pag-atake.