Isang high-value target (HVT) at isa pang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga ang naaresto sa magkahiwalay na buy-bust operation ng mga awtoridad sa Santiago City.
Unang naaresto ang 29-anyos na si alyas “Balong,” binata, walang trabaho at residente ng Centennial Village, Purok 7, Barangay Balintocatoc, Santiago City, na kabilang sa mga target-listed personalities.
Pinangunahan ng PDEA Regional Office 2–Quirino Provincial Office ang operasyon sa pakikipagtulungan ng Santiago City Police Office-City Intelligence Unit, Police Station 3, PDEG SOU 2, at RIU 2-CIT.
Nakumpiska mula kay alyas “Balong” ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang timbang na 2.3 gramo.
Kabilang dito ang isang sachet na may tinatayang timbang na 0.5 gramo na nakuha bilang buy-bust evidence at isa pang sachet na may tinatayang timbang na 1.8 gramo na narekober mula sa kanyang pag-iingat. Tinatayang nagkakahalaga ang mga ito ng ₱12,240.
Nasamsam din sa operasyon ang isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang marked money, dalawang ₱1,000 boodle money, isang maliit na brown paper envelope, at isang cellphone.
Samantala, sa hiwalay na buy-bust operation na isinagawa ng Police Station 3 at City Intelligence Unit ng Santiago City Police Office sa Barangay Baluarte, naaresto rin ang 28-anyos na si alyas “Jun,” walang asawa, walang trabaho at residente ng Purok 4A, Calaocan, Santiago City.
Narekober mula kay alyas “Jun” ang tatlong heat-sealed transparent sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang tinatayang timbang na 1.19 gramo, isang tunay na ₱1,000 bill na ginamit bilang buy-bust money, at isang Vivo Android cellphone.
Isinagawa ang pagmamarka, pagkuha ng litrato, at imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng mga kinatawan mula sa Department of Justice (DOJ) at barangay, alinsunod sa itinakdang pamamaraan.
Nahaharap si alyas “Balong” sa mga kasong paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang si alyas “Jun” naman ay nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 ng parehong batas.











