--Ads--

Umabot na sa 27 ang naitalang nasawi ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng epekto ng Habagat, habang dalawa ang nananatiling nawawala at 18 ang sugatan, batay sa monitoring hanggang alas-6 ng umaga nitong Lunes, Agosto 17.

Sa press briefing, sinabi ni PNP spokesperson Police Colonel Allen Rae Co na 26 sa mga nasawi ay mga sibilyan habang isa naman ang miyembro ng PNP.

Hindi pa naglabas ang PNP ng kumpletong detalye hinggil sa mga lugar kung saan naganap ang mga insidente at mga sanhi ng pagkamatay ng mga biktima.

Samantala, nakapagtala naman ang Office of Civil Defense (OCD) ng 23 nasawi, 17 sugatan at isang nawawala dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Luis, Bagyong Maymay at Habagat.

--Ads--

Hindi pa malinaw ang dahilan ng pagkakaiba sa casualty figures ng PNP at OCD. Dahil dito, magkahiwalay muna dapat ituring ang datos ng dalawang ahensya habang hinihintay ang validation at pagtutugma ng kanilang mga tala para sa opisyal na national count.

Ayon sa OCD, mahigit 5.08 milyong katao o 1.45 milyong pamilya na ang naapektuhan ng pinagsamang epekto ng mga weather disturbance.